Team WESCOM secures the country's Energy Resources

7 REBELDENG NPA SA PALAWAN, SUMUKO SA WESCOM

Published: Saturday, 18 February 2017

Camp General Artemio Ricarte, Puerto Princesa City -- Pitong rebeldeng NPA na ang kusang loob na sumuko noong Pebrero 17, 2017 sa mga operatiba ng Western Command.

Matapos ang maingat at masusing pagprosesong isinagawa ng Western Command, natukoy na ang mga sumukong rebeldeng NPA ay nagmula sa Sub-Regional Military Area-Guerilla Unit 5 (SRMA-GU 5). Apat sa kanila ay miyembro ng Batak Tribe na di umano ay halos araw-gabing pinupuntahan ng mga NPA sa kanilang mga bahay upang sapilitang hikayating umanib sa komunistang samahan. Ang karamihan sa kanila ay pailalim na hinikayat sa panahon na nagdeklara ng usapang pangkapayapaan at tigil-putukan ang pamahalaan sa CPP-NPA-NDF.

Napag-alamn din na ang mga nasabing rebelde ay nagpasyang sumuko upang malaya na sila umanong makapamuhay nang walang takot na hulihin ng mga otoridad. Ayon pa sa kanila, sila ay nagdesisyon na iwanan na ang magulong buhay ng insurhensiya dahil umano sa pagod, pananabik sa pamilya at pagkadismaya sa talamak na korapsyon ng kanilang mga pinuno.

"May kasama po kami na itinakas po ang pera ng rebolusyon at ilan-ilan lamang sila ang nakikinabang sa mga pinagpaguran ng marami sa amin," pahayag ng isang nagbalik loob na rebelde sa mga pagtatanong ng Western Command.

Isiniwalat din ng mga sumuko na ang kanilang grupo nga ang responsable sa mga pag-atake sa iba't ibang proyekto at programa pangkaunlaran ng gobyerno sa lalawigan, sa mga ilang business establishments, at mga pangingikil.

Napag-alaman din sa kanila na marami sa kanilang mga kasamahan ang nagnanais nang magbalik-loob sa gobyerno matapos nang unang bumaba ang ilan sa kanilang kasamahan na sumailalim sa Local Social Integration Program ng Pamahalaang Panlalawigan at ng WESCOM simula po noong 2014. Subalit sila di umano ay pinigilan at tinakot ng kanilang mga kasama at pinuno.

"Noong nagdeklara po ng ceasefire, nagkaroon kami ng pagkakataon na bisitahin ang aming mga pamilya. Subalit noong wala na ang ceasefire at nagdeklara na ng all-out war sa NPA ang presidente, nag-isip po kami kung babalik pa ba kami sa pakikibaka o tuluyan nang talikuran ito. Pagod na rin kasi kami Sir," dagdag pa nila.

"Kung sa pagod, sobra pa sa pagod ang nararamdaman namin. Wala naman magandang pinatunguhan ang buhay namin. Kaya tama na."

Nagsagawa ang WESCOM ng medical check-up sa mga sumuko sa Camp General Artemio Ricarte Station Hospital upang matiyak ang kalagayan ng kanilang kalusugan. Ang mga sumukong rebelde ay sasailalim sa itinakdang prosesong legal at mabibigyan rin ng mga benepisyo ng Local Social Integration Program (LSIP) at Comprehensive Local Integration Program (CLIP) upang makatulong sa kanilang pagbabagong buhay.

"Bagong buhay, bagong pag-asa. Iyan po ang hangad natin para sa kanila at kanilang pamilya. Pagod na sila at dismayado. Tayo naman po sa WESCOM at iba pang sangay ng pamahalaan dito sa lalawigan ay buong pusong tutulong sa kanilang pagsisimulang muli," ani LtGen Raul del Rosario, Commander ng Western Command.

"Tuloy po ang ating panawagan sa mga kasama nila, na iwanan na ang pakikibaka at magbalik-loob na. Huwag po kayong matakot. Huwag po kayong maniwala sa mga pananakot ng inyong mga kasamahan. May magandang simula po ang naghihintay para sa inyo," dagdag pa ni LtGen del Rosario.

Hits: 232

WESCOM Facebook News Feeds

Who's online

We have 115 guests and no members online