Team WESCOM secures the country's Energy Resources

DALAWA PANG REBELDENG NPA SA PALAWAN, SUMUKO SA WESCOM

Published: Monday, 20 February 2017

Camp General Artemio Ricarte, Puerto Princesa City -- Dalawang araw matapos sumuko ang pitong rebeldeng NPA sa mga operatiba ng Western Command noong Pebrero 17, 2017, dalawa pang rebeldeng NPA ang kusang loob na sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan.

Ang dalawang sumuko ay kinilala ng Western Command na nagmula rin sa Sub-Regional Military Area-Guerilla Unit 5 (SRMA-GU 5). Napag-alaman din na sila ay hinikayat na umanib sa komunistang kilusan sa panahon na umiiral pa usapang pangkapayapaan at tigil-putukan sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF.

Napag-alaman din na ang mga nasabing rebelde ay nagpasyang sumuko matapos nilang malaman na ang kanilang mga kasamahan ay matagumpay na nakapag-balik loob sa tulong ng Western Command, taliwas sa pananakot ng kanilang mga pinuno na sila ay di umano ay sasaktan o papatayin lamang.

"Noong nakita namin na okay naman pala yung nangyari sa mga kasama namin na sumuko na, napag-isip-isip namin na bumaba na rin. Nakakapagod at nakakadismaya na rin talaga ang buhay namin. Magulo at palagi na lang kaming natatakot para sa sarili namin," pahayag ng isa sa mga sumuko.

"Ngayon na nakababa na kami, masaya ako at yung pamilya ko kasi kahit paano ay makakapagsimula na ako ng bagong buhay. Makakasama ko na ulit ang pamilya ko," dagdag pa niya.

Tulad ng mga nauna na sa kanilang sumuko, nagsagawa din ang WESCOM sa kanila ng medical check-up sa Camp General Artemio Ricarte Station Hospital upang matiyak ang kalagayan ng kanilang kalusugan. Sila rin ay sasailalim sa itinakdang prosesong legal at mabibigyan rin ng mga benepisyo ng Local Social Integration Program (LSIP) at Comprehensive Local Integration Program (CLIP) upang makatulong sa kanilang pagbabagong buhay.

"Labis po natin ikinatutuwa ang pagsukong ito ng dalawa pang rebeldeng NPA. Ito ay nagpapakita lamang ng ating mga epektibong hakbang upang sila ay mahikayat nang magbalik-loob," ani LtGen Raul del Rosario, Commander ng Western Command.

"Alam po natin na marami pa ang susunod sa kanila. Tayo naman po sa WESCOM ay doble ang sidhi ng ating pag-abot sa kanila upang matulungan silang makapag-bagong buhay. Ang buong Palawan po ang makikinabang sa ganitong kaganapang pangseguridad," dagdag pa ni LtGen del Rosario.

Hits: 305

WESCOM Facebook News Feeds

Who's online

We have 48 guests and no members online